Sunday, July 3, 2011

Giyera: Patay kung patay


Nasa gitna ako ng isang mausok at nagliliyab ng giyera ngayon. Matindi ang laban, parang away ng mga Ampatuan at Mangudadatu sa Maguindanao — ubusan ng kamag-anak at kaibigan at kakamping journalist. Paramihan ng armas at backhoe. Konti na lang, pakikialaman na kami ng NATO.

Ang kalaban ko, sarili ko. Partikular na ang sarili ko na gustong ipagpatuloy ang isang mahal at walang kuwentang bisyo: ang pagyoyosi. (Amf!....)

Ilang beses na kaming nagharap ng kalaban ko. Noong una, lagi akong talo. Pero nitong nakaraang taon, sinuwerte ako't natalo ko siya. Pinulbos ng ang kampo niya hanggang sa mapilitan siyang lumayas at mangibang-planeta. Isang simbolikong panununog ng lighter ang ginawa ko noong Disyembre bilang selebrasyon ng pinakamatindi kong panalo laban sa kanya.

Pero sadyang jologs 'tong kalaban ko. Isang araw noong nakaraang buwan, habang nakababa ang depensa ko, biglang rumesbak ang gago. At dahil hindi ko siya napaghandaan, mabilis akong natalo. Nakita ko na lang ang sarili ko na nakapila sa 7-Eleven para bumili ng bagong lighter at isang kahang Winston Lights.

Nang mabalitaan ko ang pagkamatay ni Jo Ramos dahil sa lung cancer nitong nakaraang linggo, muli akong nagdeklara ng giyera. Ika nga ng isang matinding quote: "Quitting smoking is the easiest thing in the world. I've done it a dozen times." 'Di ko lang matandaan kung si Mark Twain ang nagsabi nito o si Tado.

Tuesday, June 21, 2011

At muling nagsulat ang tamad

Isang nobela ang sinimulan kong isulat kanina. Ngunit dahil walang katiyakan kung matatapos ko ito, at dahil rin sa naniniwala ako sa usog, hindi ko muna sasabihin ang mga detalye tungkol dito — ang plot, characters, at working title. Nasa wikang Tagalog ito, pero depende sa mood ko 'pag muli ko itong hinarap, baka gawin kong Ingles.

Buo na ang kuwento sa ulo ko. Kelangan na lang i-transcribe sa computer. Madali lang ito... kung hawak mo ang oras mo. Pero kung tulad kong may regular na trabaho sa araw at may pamilyang dapat asikasuhin sa gabi (at madalas may hangover tuwing weekend), malabo ito. Masuwerte na kung may dalawang oras ako sa maghapon para magsulat. Ilang nobela ko na ba at short stories ang parang mga programa ng gobyerno — puro simula lang — dahil sa sobrang gipit ko sa oras ay nawalan ako ng gana sa kanila? Ningas kugon. Inabandona na parang mga walang kuwentang siyota...

Nakakainis isipin. Pero ganyan talaga ang buhay. Kinakailangang kumayod at isantabi muna ang hilig ng kaluluwa. Assuming, of course, na may kaluluwa ako...